Ang tunay na kwento sa marahas na demolisyon sa Laperal, Makati








PAHAYAG SA MEDIA
29 Abril 2011

Kundenahin ang Labis na Karahasan sa Demolisyon ng Laperal Compound!


Labanan ang Kahirapan at Pambubusabos sa Mamamayan!





“Laban, Laperal! Tutulan ang pambubusabos at karahasan!”


Ito ang panawagan ng mga residente ng Laperal Compund Guadalupe Viejo, Makati bilang pagkundena sa marahas na demolisyong naganap sa kanilang komunidad kahapon. Dalawang residente, sina Natnat Maglente at Ramil Sagun ang nabaril sa insidente, samantalang isang bata naman ang napabalitang namatay matapos ma-tear gas.


Kinondena ni William Balderas, presidente ng COURAGE Partylist-Laperal ang karahasang naganap sa demolisyon kahapon.


“Sa harap ng isang libong (1,000) pwersa ng Makati Public Safety (MAPSA), walong (8) trak ng kapulisan ng NCRPO , inupahang mahigit sa limang daang (500) construction workers ng Helmark Construction Co., tatlong fully-armed assault teams ng SWAT, humigit kumulang na dalawang daang (200) goons at tatlong fire trucks na magpapalayas sa amin, lohikal lang na ipagtanggol namin ang aming mga tirahan at kabuhayan. Dinidepensahan lang namin ang aming mga pamilya at kabahayan.”


“Kung tutuusin, ang lokal na pamahalaan ang may malaking pananagutan: na-tear gas kami, may dalawang kasamang naospital dahil sa tama ng bala at maraming kabataan ang dinampot at binugbog ng mga pulis. Na-bulldozer ang aming mga bahay, pinaulanan pa kami maanghang na tubig ng mga bumbero. Nasunugan na kami kamakailan lang at na-demolish pa. Ngayon, kami pa ang nasabihang marahas? Nasaan ang hustisya doon?” tanong ni Balderas.


Samantala, sa isang press conference na isinagawa bago ang kilos-protesta sa Makati City Hall, mariing pinasubalian ni Ellen Ordonez, bise presidente ng Damayan ng Mahihirap sa Laperal ang mga pahayag ng lokal na pamahalaan ng Makati. Ayon kay Ordonez, pinagtatakpan ng lokal na pamahalaan ang pananagutan nito sa naganap na demolisyon.


“Sinasabi ni Mayor Binay na danger zone daw ang Laperal at concerned sila sa kaligtasan ng mga residente kaya nila kami pinipilit na umalis dito. Marami raw billboards na marupok na ang pundasyon at mapanganib para sa mga tao na manatili pa rito. Lehitimo kaming mga residente at botante ng Makati. Kung ganon, responsibilidad ng city officials na tanggalin ang mga billboards na yan.


“Iisa ang sentimyento ng mga taga-Laperal. Kung mananatili kami rito, posibilidad lamang ang kamatayan. Pero kung ililipat kami sa Calauan o sa Montalban, siguradong-sigurado ang kamatayan namin dahil malayo ito sa mga batayang serbisyo: walang kuryente, tubig, malayo sa pagamutan, walang eskwelahan. Kalokohan ang sinasabi nila na may bahay doon. Ni walang maibigay na dokumento o anumang katibayan na mapapasamin nga ang mga lupang pagtitirikan namin sa Calauan. Sa ganoong kalagayan, unti-unti kaming pinapatay ng pamahalaan: magiging libingan na naming ang lupang pagtitirikan namin!” sabi ni Ordonez.


“Sinasabi rin nilang pugad raw ng mga sindikato at kriminal ang Laperal. Posibleng meron ngang nagpapa-upa ng mga kwarto sa komunidad pero exaggerated ang sabihing umaabot daw ng P3,000-P5,000 ang upa dito, hindi sila nagpapa-upa para magpayaman. Kung meron mang nagpapa-upa, ginagawa nila ito para makaagapay sa kakarampot na kinikita nila sa araw-araw, hindi para magsamantala at magpayaman,” dagdag ni Ordonez.


“Kasinungalingan din ang pinangangalandakan ni Mayor Binay na nakipag-dialogue na siya sa amin. Ang totoo, mula nang nasunugan kami, sinisikap na naming makausap siya para humingi ng tulong pero ni minsan ay hindi nya kami hinarap. Noong makalawa, pumunta kami sa City Hall para makipag-usap dahil pinalibutan na ng mga pulis at MAPSA ang Laperal. Hindi nya kami hinarap. At pagbalik namin sa komunidad, nalaman naming inatake na pala ang barikada habang wala kaming mga lider. Anong dialogue ang sinasabi nya? Hinahamon namin siya ngayon, humarap siya sa amin at makipag-usap. Mahigit dalawang libong (2,000) pamilya ang apektado rito, na pinakinabangan nya noong panahon ng eleksyon. At ngayon, itataboy niya na lang kami ng basta-basta?” dagdag pa ni Ordonez.


Samantala, sinuportahan naman ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees  (COURAGE) ang panawagan ng mga taga-Laperal para sa kabuhayan at panlipunang hustisya.


Ayon sa Pambansang Tagapangulo ng COURAGE na si Ferdinand Gaite, “Responsibilidad ng pamahalaan na itaguyod ang kapakanan ng mamamayan, sa halip na interes ng iilang negosyo’t mayayaman. Makatarungan ang hiling ng mga residente na itigil ang pambubusabos at karahasan, lalo na kung ang estado ang may pakana nito. Sa panahong ito, dapat manaig ang makatao at makatarungang pagturing, sa halip na karahasan ang manaig.”


“Sa pusturang ito ng pamahalaan, tila ba kasalanan o krimen na ang pagiging mahirap sa Pilipinas. Itinuturing nilang squatters, mga kriminal ang mga maralitang tagalunsod: mga hayop na pwedeng palayasin ng basta-basta,  samantalang hindi inuungkat kung ano ang ugat ng pagkakaroon at patuloy na pagdami ng mga maralitang tagalunsod sa Metro Manila.”


“Kung susuriing mabuti, maiuugat pa rin ito sa kapabayaan ng gobyerno na bigyan ng sapat ng kabuhayan at batayang serbisyo ang kanyang mga mamamayan. Dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa mga probinsya, marami ang lumuluwas ng Maynila para maghanap ng trabaho. Subalit pagdating sa lungsod, kawalan ng hanapbuhay, matinding pambabarat sa sahod, kawalan ng disenteng tirahan at batayang serbisyo ang kinakaharap ng mamamayan: lahat dulot ng matinding kapabayaan ng gobyerno.  Kaya naman, maling sisihin ang mga residente ng Laperal sa naganap na marahas na demolisyon kahapon: sa harap ng matinding kahirapan at pambubusabos, wala silang ibang ginawa kundi ang magkaisa sa pagtatanggol sa kanilang karapatang mabuhay,” pagtatapos ni Gaite.






Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: